Lunes, Hulyo 6, 2020
"COVID-19: SPECIAL INVESTIGATIVE REPORTS NI MIKE ENRIQUEZ" NGAYONG SABADO
Ngayong Hulyo, handog ng Imbestigador ang “COVID-19: Special Investigative Reports ni Mike Enriquez”, isang espesyal na serye na tatalakay sa iba’t ibang napapanahong isyu kaugnay ng pandemya.
Halos buong mundo ang pinadapa ng paglaganap ng sakit na COVID-19, na itinuturing na pinakamapinsalang pandemya sa nakalipas na siglo.
Matapos ang mahigit dalawang buwang “lockdown” sa bansa, unti-unti nang binubuksan ang mga negosyo at trabaho at unti-unti na ring nakababalik ang mga mamamayan sa ilalim ng tinatawag na “new normal”.
Sa kabila nito, may mga isyung kakabit ng pandemya na nararapat talakayin at hanapan ng mga kasagutan: Ano na ang kinahinatnan ng programang mass testing ng gobyerno? Naipamahagi ba nang maayos at napunta sa mga tamang benepisyaryo ang bilyon-bilyong ayuda? Gaano kalala ang epekto ng pandemya sa mga negosyo at manggagawa? Anong bukas ang haharapin ng mga Pilipino sa tinatawag na “new normal”?
Sa unang episode nito sa July 11, sisilipin ng Imbestigador ang kalagayan ng ilang dekada ng problema sa transportasyon. Matapos ang mahigit dalawang buwan, unti-unti nang binubuksan ang serbisyo ng pampublikong transportasyon. Pero habang hindi pa pinapayagang bumiyahe lahat, may mga pasahero pa ring patuloy na nagtitiis at umaasa sa pagsakay sa bisikleta at paglalakad para makarating sa destinasyon. Para naman sa mga drayber na hindi pa rin nakakabiyahe, lalong tumitindi ang kanilang daing na makabalik sa paghahanapbuhay.
Ano nga ba ang nararapat na solusyon sa mga problema sa transportasyon?
‘Wag palampasin ang pagsisumula ng “COVID-19: Special Investigative Reports ni Mike Enriquez” ngayong Hulyo 11, Sabado, 4:45 pm pagkatapos ng Wish Ko Lang sa GMA 7.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento