Biyernes, Hunyo 26, 2020

ATE SHAWIE, I-UUNTOG ANG ULO SA PADER PARA MATAUHAN!


Hindi na maintindihan ni Sharon Cuneta ang nangyayari sa ating bansa. Marami ang nagbabangayan at nagpapalitan ng mga maasakit na salita. Nasaan na raw ang Moral compass?
"Kay tatapang na nating magbitiw ng di lang masasakit kundi di malunok na mga salitang parang hindi tayo magkakababayan," ani Mega sa kanyang Intagram post.
"Masyado nang tinotolerate, kundi man ine-encourage - at karamihan ay binabayaran pa para manira ng kapwa," aniya pa na parang may patutungkulang personalidad.
Kaya nga mas ok pa raw kay Ate Shawie ang showbiz. Kahit nagkakasamaan ng loob, naiintriga, nagkakaayos din sa pamamagitan ng paghaharap-harap hanggang sa magkalinawan.
"Sa showbiz kung saan lumaki ako, sanay kami sa intriga. At alam namin kung sino ang nang-iintriga sa amin. Sanay kaming humaharap sa isa’t-isa sa interviews at sa sagutan hanggang magkalinawan."
Ang kinasasama ng loob ng aktres, lahat ng kanyang mga sinasabi at ng kanyang mga anak ay ikinokonek sa politika lalo na kay Sen, Kiko Pangilinan.
"Ngayon, anumang bukambibig ko, ng sinoman sa mga anak kong may kanya-kanya namang isip, ay pipilipitin at ididikit sa anumang ginagawa o sinasabi ng kanilang ama sa pagiging politiko niya. Damay kami kahit may iba’t-iba naman kaming issue. At ang baluktot, pilit itinutuwid.
"Ganyan na pala tayo kababa ngayon bilang mga Pinoy. Di lang pala chismis. Nakakapagod na rin ang may kaibigan sa isang panig, habang ang sarili mong dugo at laman ay nabababoy at nasasaktan ng wala namang proteksyon mula sa kaibigan kahit mahal ka pa. Panahon na sigurong iuntog ang ulo ko sa pader. Para pag nakikita ko ang sakit sa mga mata ng mga anak ko kapag may masasakit na naririnig at nababasa, hindi na ako kailangan bumalanse sa pagiging kaibigan at INA," litanya  pa ni Sharon na obviously ay ang pakikipag-kaibigan niya sa administrasyong ito ang kanyang tinutukoy na wala naman siyang nahihita. Ni hindi siya matulungan sa problema niya sa kanyang anak na si Frankie. In fact, pinagtutulungtulungan pa ito ng mga kaalyado ng gobyerno. 
Hindi nga niya nabanggit pa ang tungkol sa franchise ng ABS CBN. Na wala namang nagawa ang pagiging malapit niya kina Davao mayor Sara Duterte at President Duterte na mga Sharonian daw. 
"Dahil natural lang naman na ang pagiging INA ANG MAS HAMAK NA MAHALAGA... Napakasakit ng pinagdaraanan namin ngayon. Kaya nga ako nag-asawa kasi matinong tao si Kiko, at gusto ko tumahimik na ng paunti-unti ang buhay ko. Lalo lang palang gugulo.
"Mas naaappreciate ko ang Showbiz ngayon...pagmamahal at intriga lang ang haharapin mo; madaling ayusin ang intriga, libre at napakasarap ng minamahal ka ng walang panig panig tulad ng politika. Bahala na ang Diyos sa amin. Siya naman ang may control sa lahat. Huwag natin bolahin ang ating sarili na tao ang may control sa lahat. Bukas puede magunaw ang mundo kung nanaisin ng Diyos. Dapat ang kaluluwa mo ang sure na ihanda mo. Ganon lang po. God bless us all," ayon pa sa Megastar.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento