Martes, Marso 3, 2020
PISTA NG PELIKULANG PILIPINO 2020: MECHANICS, CO-PRODUCTION FUNDS & SINE KABATAAN
Ang Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), na nasa ika-apat na edisyon nitong Setyembre, ay mas pinaigting sa apat na paraan. Una, magkakaroon ito ng lineup ng 10 pelikula. Pangalawa, pipili ito ng anim na finished films o mga pelikulang nasa post-production at apat na proyektong nasa advanced development stage o production stage. Pangatlo, maghahandog ito ng co-production funds na aabot sa PHP 2 million sa pamamagitan ng FilmPhilippines Philippine Co-Production Fund. Pang-apat, ang Sine Kabataan 4 ay magbibigay din ng production grants at magsasagawa ng film development lab sessions para sa mga kabataang filmmaker.
Ang PPP 4, na magaganap mula Setyembre 11 hanggang 17, 2020, ay proyekto ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na may pakikipatulungan sa Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP). Ang unang araw ng PPP ay ang huling araw ng pagdiriwang ng Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino (mula Setyembre 12, 2019 hanggang Setyembre 11, 2020), ayon sa Proklamasyon ng Pangulo Blg. 622, s. 2018.
Sa opisyal na pagtatapos ng pagdiriwang ng Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino, layunin ng FDCP na mapagtipon ng PPP ang buong industriya bilang pagsalubong sa susunod na 100 taon ng industriya ng pelikula. Nang dahil sa napakahalagang pagdiriwang ng Sine Sandaan, mas maraming pakaaabangan sa PPP ngayong taon.
Ang PPP 4 ay magpapalabas ng 10 pelikula sa mahigit 900 na sinehan sa buong bansa. Katulad ito ng PPP 3 na nagpalabas din ng 10 pelikula. Tatanggap ang PPP 4 ng apat na proyektong nasa advanced stage of development o production stage at anim na finished films o pelikulang nasa post-production. Itinalaga ng FDCP ang mga deadline para sa mga aplikayson: Marso 20, 2020 para sa mga proyektong nasa advanced stage of development o production stage at Hunyo 15, 2020 para sa finished films o mga pelikulang nasa post-production.
Iba-ibang mga genre film na may commercial at global appeal ang ipalalabas ng PPP 4. Maaaring ang mga pelikula ay family-oriented, romantic comedy, horror, fantasy, at historical, o kaya ay mga arthouse film na nagpapakita ng kultura at sensibilidad ng mga Filipino. Dalawang entry lamang sa bawat genre ang mapapabilang sa final selection (e.g., romance, comedy, action, etc.).
Ipinakilala rin ng PPP 4 ang Philippine Co-Production Fund (PCOF) ng FilmPhilippines Program ng FDCP. Magbibigay ang PCOF ng funding na aabot sa PHP 2 million para sa mga piling proyektong nasa advanced stage of development o production stage sa pamamagitan ng PCOF co-production investment fund. Maaari ring makatanggap ng PHP 2 million mula sa PCOF ang piling finished films o mga pelikulang nasa post-production.
Samantala, ang ika-4 na Sine Kabataan ay magbabalik bilang isang pinaigting na short film competition na magkakaroon ng film development lab program. Pakay ng Sine Kabataan na hikayatin ang mga filmmaker na may edad mula 18 hanggang 30 na gumawa ng short films hinggil sa mga isyung may kaugnayan sa kabataan tungkol sa edukasyon, kalusugan, family values, o security at peace building. Ang Sine Kabataan, na gaganapin kasabay ng PPP, ay magbibigay din ng production funds sa mga aplikasyon na may story concepts.
Ang bawat finalist ng Sine Kabataan ay tatanggap ng cash grant na PHP 50,000 at post-production grant na PHP 50,000. Ang short films (na hindi lalagpas sa 5 minuto) ay ipalalabas sa buong bansa habang PPP. Ang isang short film ay ipalalabas bago ang isang opisyal na entry ng PPP. Magkakaroon din ng Sine Kabataan Film Lab sessions ngayong taon para sa Sine Kabataan 4 finalists kung saan tuturuan sila tungkol sa script development, film production, film editing, at post-production. Ang deadline ng mga aplikasyon para sa Sine Kabataan 4 ay sa Marso 20, 2020.
Sa mga pagbabago sa PPP 4, inaasahan ng FDCP na ang flagship program nito ay makapagdadagdag ng ningning sa pagdiriwang ng Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino. Umaasa ang PPP na mahihikayat nito ang mga Filipino na manood ng mga lokal na pelikula sa sinehan (PHP 180 ang student admission price sa mga sinehan sa Metro Manila at PHP 130 para sa mga sinehan sa probinsya) at masusuportahan ang pagkamalikhain at orihinalidad ng mga filmmaker sa pamamagitan ng co-production funds.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento